Pagkunsidera ng Palasyo sa paggamit muli ng Dengvaxia vaccine sa mga biktima ng dengue, hindi makatwiran – PAO
Muling binanatan ni Public Attorney’s Office (PAO) Chief Atty. Persida Acosta si dating Health secretary at ngayo’y Iloilo first district Rep. Janette Garin sa pag-e-endorso ng paggamit muli ng Dengvaxia vaccine para sa mga biktima ng sakit na dengue.
Sa panayam ng programang Isyu ng Sambayanan, sinabi ni Atty. Acosta na taktika lamang ito ni Garin para maabswelto siya sa patong-patong na kasong nakasampa laban sa kaniya at mga opisyal ng Sanofi at DOH dahil sa pagkamatay ng daan-daang mga kabataang naturukan ng Dengvaxia.
Sa ngayon aabot na aniya sa 142 kabataan ang natuklasang dumugo ang utak matapos turukan ng Dengvaxia batay sa autopsy na isinagawa ng PAO.
Giit ni Acosta, hindi aniya dapat pinapaniwalaan ng Malakanyang ang pahayag ng isang nasasakdal gaya ni Garin.
Batay aniya sa deklarasyon at pahayag ng mga Sanofi officials noong December 2015 at November 2017, mayroong apat na nakamamatay na side-effects ang dulot ng Dengvaxia kasama na dito ang multi-organ at brain bleeding.
Ipinahayag din mismo ng Sanofi na pwedeng mamatay ang isang hindi pa tinamaan ng dengue pero nabakunahan ng Dengvaxia.
Hindi rin aniya siya naniniwala na papayag si Pangulong Duterte na muling ipagamit ang Dengvaxia dahil ang Pangulo pa nga aniya ang nagsabi sa kaniya na bigyan ng hustisya ang mga biktima ng kontrobersyal na bakuna sa pamamagitan ng written order na pirmado pa ng Department of Justice.
“Marunong pa ba siya at mas eksperto pa siya sa paggawa ng gamot? Eh talagang nakikita natin na isa itong scheme ni Garin palibhasa siya ay may conflict of interest dahil nasasakdal na siya. Eh bakit paniniwalaan natin ang mga nasasakdal? Isinakdal ngNBI si Garin sa Ombudsman dahil sa 3.5 bilyong pisong halaga ng dengvaxia. Bakit ang isang akusado ang may dating sa Palasyo. Si Pangulong Duterte pa nga ang nagsabi sakin na bigyan ng hustisya ang mga biktima ng dengvaxia, Kung may biktima ay bakit nila ibabalik…nasan ang lohika dun?”