Pangulong Duterte, wala pang desisyon kung muling gagamitin ang Dengvaxia vaccine- Malakanyang
Pinawi ng Malakanyang ang agam-agam ng publiko sa napabalitang muling gagamitin ng pamahalaan ang kontrobersiyal na Dengvaxia anti dengue vaccine.
Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na ibabatay ni Pangulong Rodrigo Duterte ang desisyon sa paggamit ng Dengvaxia sa rekomendasyon ng mga health expert kasama si Health Secretary Francisco Duque III.
Ayon kay Panelo pangunahing isasaalang-alang ng gobyerno ang kapakanan ng publiko.
Magugunitang kinatakutan ng publiko ang Dengvaxia anti dengue vaccine noong panahon ng Aquino administration dahil sa pag-amin ng manufacturer ng bakuna na Sanofi Pasteur na mayroon itong side effect sa mga nabakunahan na hindi pa nagkaka-dengue.
Ulat ni Vic Somintac