Korte Suprema inalis na ang TRO sa paglilitis ng Sandiganbayan sa kaso ng Mamasapano
Inalis na ng Korte Suprema ang Temporary Restraining Order (TRO) laban sa pag-usad ng paglilitis sa kaso ng Mamasapano incident.
Ito ang kinumpirma ni Supreme Court Public Information office chief Atty. Brian Keith Hosaka.
Ibig sabihin wala nang hadlang para umusad ang pagdinig sa kaso.
Inaasahang maaksyunan na rin ng Sandiganbayan ang mosyon ni Ombudsman Samuel Martirez noong Hunyo na bawiin ang kasong Graft at Usurpation of Authority laban kay dating Pangulong Noynoy Aquino.
Ang kaso laban kay Aquino ay isinampa sa panahon ni dating Ombudsman Conchita Carpio-Morales.
Una nang nag-isyu ng TRO ang Supreme Court first division noong Pebrero 2018 na pumigil pansamantala sa arraignment o pagbasa ng sakdal kay Aquino.
Nag-ugat ito sa petisyon sa Korte Suprema ng pamilya ng mga namatay na miyembro ng Special Action Forces (SAF) na humihiling na makasuhan si Aquino ng mas mabigat na kaso na reckless imprudence resulting in homicide.
Bukod kay Aquino, akusado rin sa Mamasapano case sina dating PNP chief Alan Purisima at dating PNP-SAF Director Getulio Napeñas Jr.
Ulat ni Moira Encina