Mga dormitoryo sa Maynila, pinapa-inspeksyon na ni Mayor Isko Moreno
Ipinag-utos na ni Manila Mayor Isko Moreno ang pag-inspeksyon sa lahat ng dormitoryo sa lungsod.
Sa Executive Order 25 na nilagdaan ni Moreno, ipinag-utos niya ang pagbuo ng isang komite na mag-iinspeksyon sa lahat ng dormitoryo sa Maynila.
Kasama rin sa kanilang titingnan ay kung nakakasunod ang mga ito sa pinatutupad na Rules and Regulations ng lokal na pamahalaan para sa operasyon at maintenance ng kanilang mga dormitoryo at kung nakasusunod sila sa Building at Fire code.
Si City Administrator Felixberto Espiritu ang magsisilbing chairman ng komite habang si City Legal Officer Atty. Emeterio “Jun” Moreno naman ang tatayong Vice-chairman.
Kabilang sa magiging myembro ng komite ang mga inspektor mula sa Department of Engineering and Public Works (DPWH), Manila Health Department (MHD), Bureau of Fire Protection (BFP) at iba pang departamento sa lungsod.
Matapos ang inspeksyon ay magsusumite ang komite ng evaluation report kay Mayor Isko na siya namang mag-aapruba kung dapat tanggalan ng lisensya ang isang dormitoryo.
Ang hakbang ni Mayor Isko ay kasunod ng pagkaka-aresto sa isang 69-anyos na lolo na naglalagay ng hidden camera sa cr ng pinauupahang kwarto sa Sampaloc, Maynila.
Ang nasabing suspek na si Noe Nodalo ay nahaharap na sa kasong paglabag sa Republic Act 9995 o Anti-Photo and Video Voyeurism law.
Ulat ni Madz Moratillo