Kampo ni Vice-President Leni Robredo hiniling sa DOJ na atasan ang PNP- CIDG na magprisinta ng ebidensya sa sedition case laban dito
Wala pang balak ang kampo ni Vice -President Leni Robredo na sagutin ang reklamong inciting to sedition na isinampa ng PNP-CIDG laban sa pangalawang-Pangulo kaugnay sa Project Sodoma at Bikoy videos.
Ito ay hanggang hindi isinusumite ng CIDG sa DOJ ang mga ebidensya nito laban kay Robredo sa sedition charge at iba pang reklamo laban dito.
Nagtungo sa DOJ ang mga abogado ni Robredo para ihain ang kanilang motion for production and copying of evidence.
Nais nila na atasan ng DOJ Special Panel of Prosecutors ang CIDG na isumite ang mga ebidensya sa mga reklamo laban sa Bise-Presidente at payagan sila na maparami at makopya ito.
Hiniling din ng mga abogado na maipagpaliban ang paghahain nila ng kontra-salaysay hanggang hindi nila natatanggap ang mga ebidensya ng CIDG.
Ayon sa mosyon, maliban sa walang laman at walang batayan na sinumpaang salaysay ni Peter Joemel Advincula ay walang ibang ebidensya na isinumite ang CIDG.
Binigyang -diin ng mga abogado na karapatan ng respondent na mabusisi ang mga ebidensya ng complainant..
Iginiit pa nila na labag sa Right to Due Process ni Robredo ang pagkakait ng ebidensya sa simula pa lang ng proseso ng isinampang reklamo.
Nakatakdang simulang dinggin ng DOJ sa Biyernes, August 9 ang reklamo ng CIDG laban kay Robredo at iba pang taga-oposisyon.
Inaakusahan sina Robredo ng pagpapaplano para pabagsakin ang pamahalaang Duterte sa ilalim ng Project Sodoma at para siya ang mailuklok na Pangulo.
Ulat ni Moira Encina