Kaliwat-kanang lifestyle checks laban sa mga opisyal ng iba’t ibang ahensiya ng gobyerno, ikinasa na ng Presidential Anti Corruption Commission…. Dalawang cabinet officials kasama sa iniimbestigahan
Tambak ngayon ang Presidential Anti Corruption Commission o PACC sa mga gagawing lifestyle checks sa sangkaterbang mga opisyal ng ibat ibang ahensiya ng gobyerno.
Sa press briefing sa Malakanyang sinabi ni PACC Commissioner Greco Belgica na maliban sa lifestyle check na isinasagawa nila ngayon laban sa mga opisyal ng Philippine Charity Sweepstake Office o PCSO nakalinya ring imbestigahan ang uri ng pamumuhay ng ilang mga opisyal ng Bureau of Internal Revenue o BIR.
Ayon kay Belgica sa kasalukuyan ay may 13 mga taga BIR ang naaresto, pinasuspinde at kinasuhan.
Inihayag ni Belgica isang full blown investigation ang nakatakdang isagawa laban sa mga tiwaling opisyal sa BIR.
Samantala nasa listahan din ng PACC ang lifestyle checks laban sa mga opisyal ng BOC, DENR at DPWH na kinabinilangan ng mga district engineers, regional at district officers, at undersecretaries.
Tiniyak ni Belgica anumang resulta sa isinasagawang imbestigasyon ay isusumite nila kay Pangulong Rodrigo Duterte at sa tanggapan ng ombudsman.
Idinagdag ni Belgica na dalawang miyembro ng gabinete ang iniimbestigahan ng PACC.
Tumanggi namang pangalanan ni Belgica ang nabanggit na miyembro ng gabinete na subject ng imbestigasyon dahil sa akusasyon ng corruption.
Ayon kay Belgica, nagsimula ang imbestigasyon sa dalawang cabinet member noong Pebrero 2019.
Niliwanag ni Belgica na cooperative naman ang dalawang miyembro ng gabinete sa ginagawa nilang imbestigasyon sa mga ito bunga ng reklamo ng private individuals sa alegasyon ng corruption.
Ulat ni Vic Somintac