Habagat, magpapaulan pa rin sa Kanlurang bahagi ng Northern at Central Luzon
Makararanas pa rin ng kalat-kalat na pag-ulan ang kanlurang bahagi ng Northern at Central Luzon dahil sa epekto ng Habagat.
Ayon sa Pagasa, sa susunod na 24 oras, mahina hanggang katamtaman at kung minsan ay malakas na pag-ulan ang mararanasan sa Ilocos region, Cordillera Administrative Region, Batanes, Babuyan group of Islands, Zambales, at Bataan.
Babala ng Pagasa, maaring makaranas ng pagbaha at landslides sa mga apektadong lugar.
Samantala, sa Metro Manila at sa nalalabi pang bahagi ng bansa, bahagyang maulap hanggang sa maulap na papawirin lamang ang iiral na mayroong isolated na pag-ulan dahil sa localized thunderstorms.
Dahil may kalakasan ang habagat nakataas ang gale warning sa baybaying dagat ng maraming lalawigan sa Luzon.
Ipinagbabawal ang paglalayag ng maliliit na sasakyang pandagat sa Ilocos Sur, Ilocos Norte, La Union, Pangasinan, Zambales, Bataan, Batanes, Babuyan, Calayan, Cagayan, Isabela at Aurora.