Illegal operations ng mga POGO, pinaiimbestigahan sa Senado
Pinaiimbestigahan ni Senate President Pro-tempore Ralph Recto sa Senado ang mga patakaran ng gobyerno para sa Phillippine Offshore Gaming Operations o POGO o online casino industry.
Sinabi ni Recto na ilang taon na ang operasyon ng mga POGO pero hindi pa maliwanag hanggang sa ngayon ang regulasyon ng Pagcor sa Pogo- kung saan mga Chinese nationals ang mga investor at trabahador.
Naghain na si Recto ng Senate Resolution no. 85 para pagpaliwanagin ang Pagcor ukol sa tunay na bilang ng mga lisensyadong Pogo.
Nakatanggap aniya sila ng reports na may mga Pogo na iligal ang operasyon at ipinuslit lang ang mga trabahador na Chinese nationals.
Nais rin nitong linawin ang plano ng Pagcor na gagawing hubs sa Cavite at Pampanga na umano’y estratehiko sa mga pasilidad ng militar.
Ayon kay Recto, pinahahalagahan dito ang report na nanggagaling sa 56 na lisensyadong pogo ang 11 percent ng kita ng Pagcor.
Pero dapat din aniyang suriin ang halaga nito kumpara sa report na hindi nabubuwisan nang tama ang Pogo at Chinese workers at umano’y may banta ito sa national security.
Nangangamba rin si Recto dahil aabot umano sa dalawang milyon ang mga Chinese workers sa susunod na limang taon.
Ulat ni Meanne Corvera