Pag-review sa Good Conduct Time Allowance ni dating Calauan, Laguna mayor Antonio Sanchez, sisimulan sa susunod na buwan – DOJ
Hindi pa nasisimulan ng Bureau of Corrections (Bucor) ang evaluation sa Good Conduct Time Allowance (GCTA) ni dating Calauan, Laguna mayor Antonio Sanchez.
Ito ang nilinaw ni Justice secretary Menardo Guevarra makaraang ihayag noong una na pinoproseso na ng Bucor ang GCTA ni Sanchez na isang convicted rapist at murderer.
Ayon kay Guevarra, ipinagbigay-alam sa kanya ng Bucor na sa susunod na buwan pa gagawin ang pagrebyu sa kaso ni Sanchez.
Sinabi rin ni Guevarra na aalamin din ng Department of Justice (DOJ) ang mga ulat na nakakalabas ng kulungan si Sanchez.
Kaugnay nito, inihayag ni Justice spokesperson at undersecretary Markk Perete na ispekulasyon pa lang ang sinasabing maagang paglaya ni Sanchez.
Tiniyak ni Perete na bubusisiing mabuti ang records ni Sanchez para masigurong ang mga kwalipikadong preso lamang ang makikinabang sa batas na nagpapababa sa sentensya ng bilanggo na may magandang ugali sa kulungan.
Umani ng pagbatikos ang balitang posibleng makalaya na sa mga susunod na buwan si Sanchez base sa good conduct lalo nat nahulihan pa ito sa kanyang selda ng mahigit isang milyong pisong halaga ng shabu noong 2010.
Ulat ni Moira Encina