Korte Suprema, nilinaw na hindi iniutos na palayain si dating Calauan, Laguna mayor Antonio Sanchez…Grupong Gabriela, nagkilos-protesta sa DOJ
Nilinaw ng Korte Suprema na hindi sila ang nag-utos na palayain si dating Calauan, Laguna Mayor Antonio Sanchez.
Ang pahayag ay ginawa ng Supreme Court sa harap ng mga pagbatikos sa posibleng maagang paglaya sa kulungan ni Sanchez.
Iginiit ni Supreme Court spokesman Atty. Brian Keith Hosaka na sa ruling ng Korte Suprema noong Hunyo na in-interpret lang nito ang implementing Rules and Regulation ng RA 10592 na nagaamyenda sa Revised Penal code .
Alinsunod sa nasabing batas, pinalawig ang good conduct time allowance na ibinibigay sa mga preso na may magandang asal sa kulungan.
Nag ugat ang desisyon ng SC sa mga petisyon na kumukwestyon sa probisyon ng IRR ng RA 10592 na nagsasabing prospective ang aplikasyon ng bagong guidelines sa GCTA.
Sa ruling ng Korte Suprema, sinabi na dapat ipatupad ng retroactive ang batas.
Ayon kay Hosaka, inaplay ng SC sa pagpapasya sa mga petisyon ang Fundamental doctrine sa Criminal law na ang Penal laws na paborable para sa mga akusado ay dapat na maging retroactive ang aplikasyon.
Sinabi pa ni Hosaka na hindi nagmula sa Supreme Court ang polisiya na nagpapalawig sa gcta sa halip ay sa ra 10592 na ipinasa noong Kongreso noong 2013.
Binigyang diin pa ni Hosaka na wala sa hurisdiksyon ng Korte Suprema ang implementasyon ng RA 10592.
Gaya ng lahat ng batas ang pagpapatupad anya nito ay nasa kapangyarihan ng sangay ng ehekutibo.
Samantala, nagkilos- protesta sa DOJ ang grupong Gabriela para ipanawagan na huwag palayain si Sanchez.
Ayon sa Gabriela, hindi dapat payagang makalaya si Sanchez.
Anila injustice ito sa pamilya ni Eileen Sarmenta at sa iba pang babaeng biktima ng karahasan.
Ulat ni Moira Encina