Senador Cynthia Villar, binatikos ang Agriculture Department kasunod ng pagkalugi ng mga magsasaka sa ilalim ng Rice Tarrification law
Kinastigo ni Senador Cynthia Villar ang mga opisyal ng Department of Agriculture (DA) dahil sa umano’y pagkalugi ng mga magsasaka dulot ng implementasyon ng Rice Tarrification law.
Sa pagdinig ng Senate committee on Agriculture, pinuna ni Villar ang umano’y pagbebenta ng bigas ng National Food Authority (NFA) sa mga rice traders ng 22 pesos dahil nabubulok na umano ang mga palay.
Sinabi ni Villar na nakatanggap siya ng mga reklamo na imbes na ipagbili sa merkado ang bigas para kumita ang mga magsasaka, idedeklarang bulok ang mga palay para i-auction ng mas mura sa mga traders.
Kinuwestyon rin ni Villar ang NFA dahil hindi aniya pursigido ang mga ito na bilhin ang palay ng mga magsasaka gayong ito ang kanilang itinakdang mandato sa ilalim ng batas.
Pinagpapaliwanag na rin ang mga opisyal ng DA sa report na 4 bilyong piso sa 10 bilyong RCEF fund ay ipinambayad ng utang ng DA samantalang ang pondo ay nakalaan para tulungan na mapataas ang local rice productions.
Dahil dito nade -delay ang pag mobilize ng tulong sa mga rice farmers na apektado ng Rice Tarrification law.
Ulat ni Meanne Corvera