Hurisdiksyon ng National Commission on Indigenous Peoples sa mga kaso at claims ng mga indigenous peoples, kinilala ng Korte Suprema
Ibinasura ng Supreme Court First Division ang petisyong na kumuwestiyon sa titulong iginawad sa mga katutubo ng Boracay dahil sa iregularidad.
Sa pitong pahinang resolusyon ng SC First Division, kinilala ng Korte Suprema ang primary jurisdiction ng National Commission on Indigenous Peoples o NCIP sa mga claim at mga kaso na may kinalaman sa pagkwestiyon sa karapatan ng mga indigenous people.
Dahil dito, pinagtibay ng SC ang naunang desisyon ng Court of Appeals na nagdedeklarang may grave abuse of discretion sa panig ng Regional Trial Court ng Kalibo, Aklan nang tanggapin nito ang kaso na inihain ng isang Gregorio Sanson na kumukwestiyon sa Certificate of Ancestral Domain Title o CADT na iginawad ng NCIP pabor sa ATI Indigenous Community/ Indigenous Peoples of Boracay Island.
Sakop ng ipinagkaloob na CADT ang bahagi ng lupain sa Barangay Manoc-Manoc sa Boracay Island.
Ayon sa Korte Suprema, ang dapat na ginawa ng petitioner ay iapela o kwestiyunin ang NCIP En Banc Resolution na nag-aatas ng pagkakaloob ng CADT pabor sa ATI, sa CA alinsunod sa Revised Rules of Procedure ng NCIP.
Ulat ni Moira Encina