Isinusulong na “No Homework policy”, pag-aaralang mabuti ng Senate Committee on Basic Education
Naniniwala si Senador Sherwin Gatchalian, chairman ng Senate committee on Basic Education na dapat manatili pa ring bahagi ng buhay at karanasan ng isang bata ang paggawa ng homework o assignment.
Ito rin aniya ang panahon kung saan napapaunlad ng mga magulang at mga anak ang kanilang bonding time sa pamamagitan ng pagtuturo at pagbibigay gabay sa paggawa ng assignment.
Pero dapat ring mapaunlad ng isang bata ang kaniyang social life life sa pamamgitan ng pakikihalubilo at pakikipaglaro sa ibang bata.
Kaya naniniwala ang Senador na dapat pag-aralang mabuti at balansehin ang panukalang No Homework Law na isinusulong sa Senado at Kamara.
Sa ilalim kasi ng House Bill 3611 na inakda ni House Deputy Speaker Evelina Escudero, magkakaroon ng no-homework policy ang Department of Education mula kinder hanggang high school para maituon ang oras ng mga kabataan sa pamamahinga pagkauwi galing eskuwela.
Nakasaad din sa panukala na ipagbabawal ng iuwi ng estudyante ang kanyang mga libro sa bahay kaya magiging magaan na ang dala nitong school bag.
Habang sa House Bill 3883 naman ni Quezon city Representative Alfred Vargas, ipagbabawal lamang ang paggibigay ng homework tuwing weekends.
Sa ilalim naman ng Senate Bill no. 966 na inihain ni Senador Grace Poe, ipagbabawal na ang pagbibigay ng homework sa mga estudyante sa elementary at high-school na aabutin ng mahigit apat na oras para matapos.
“Ang assignment ay bahagi ng ating kinalakihan eh. Kumbaga bahagi yan ng ating experience sa pag-aaral, at ang involvement at pagsasalitan ng mga magulang sa pagtuturo o pagtu-tutor kaya naging isang family bondong na yang paggawa ng homework.. Pero importante rin sa mga bata ang mag-socialize, yung paglalaro, nakikipaghalubilo sa ibang mga bata dahil kasama rin yan sa kaniyang karanasan. So pag-aaralan naming mabuti yan sa senate committee on basic education. Mahalaga dito ang bata ay natututo, tumatalino at tumitibay ang kaalaman ng bata”.