Dating Senador Antonio Trillanes at paring Katoliko na si Albert Alejo, kinasuhan ng PNP-CIDG ng kidnapping at serious illegal detention sa DOJ
Ipinagharap ng reklamong kidnapping at serious illegal detention ng PNP-CIDG sa DOJ si dating Senador Antonio Trillanes IV at ang paring katoliko na si Albert Alejo.
Kinasuhan din ang abogadong si Jude Sabio at isang Sister Ling ng convent of Cannussian sisters sa Makati city.
Ang kaso ay nag-ugat sa sumbong ng complainant na si Guillermina Barrido alyas Guillermina Arcillas mula sa Panabo city, Davao del Norte.
Noong 2017 una nang gumawa ng salaysay si Barrido kung saan inakusahan nito ang kampo ni Trillanes na nagalok sa kanya ng isang milyong piso kapalit ng pagtestigo niya sa pagkakasangkot ni Pangulong Duterte sa iligal na droga.
Sa kanyang panibagong salaysay na isinumite sa DOJ, sinabi ni Barrido na ikinulong siya sa loob ng 14 na araw ng mga respondents noong December 2016.
Ayon kay Barrido, una siyang dinala nina Alejo at Sabio sa convent of Cannusian sisters noong December 6, 2016.
Ang dalawa anya ang sumundo kanya sa NAIA Terminal nang dumating siya mula sa General Santos city.
Pinagbawalan anya siya na makaalis habang nasa Cannussian.
Pagkatapos ng tatlong araw ay inilipat daw si Barrido sa Holy Spirit convent sa Quezon city matapos makipagusap sa isang madre sa Cannussian.
Trinato raw siya bilang bilanggo ng mga respondents habang nasa Cannussian at Holy spirit.
Ang isang Sister Ling naman sa Cannussian ang nagsasabi ng mga pwede at hindi pwedeng niyang gawin sa kumbento at nagsasabi na bawal siyang lumabas.
Sa Holy Spirit Convent ay humigit kumulang dalawang linggo raw ikinulong si Barrido sa loob ng isang kwarto kung saan pinagbawalan din siyang lumabas nang walang pahintulot at mayroon pa raw na lalaking nakabantay sa labas ng pintuan.
May mga pagkakataon daw na nakiusap siya kay Alejo na makalabas ng kwarto para magpaalam na bibili ng damit at gamot pero hindi raw siya pinayagan.
Maraming beses din anyang tumatawag sa kanya si Trillanes gamit ang cellphone ng isang Jonelle at sinabihan daw siya na hindi siya pwedeng umalis hanggang hindi niya napipirmahan ang mga affidavit na pinalalagdaan sa kanya.
Ulat ni Moira Encina