Ilang ahensya ng gobyerno at mga LGUs, pinarangalan ng Komisyon sa Wikang Filipino dahil sa paggamit ng wikang Filipino sa serbisyo publiko
Bilang bahagi ng pagdiriwang ng Buwan ng Wika ngayong Agosto, kinilala ng Komisyon sa Wikang Filipino ang ilang mga ahensya ng gobyerno at mga lokal na pamahalaan dahil sa natatanging paggamit ng Filipino bilang wika ng Serbisyo Publiko.
Layon ng patimpalak na parangalan ang mga tanggapan ng pamahalaan na tumutugon sa Executive Order 335 na nagaatas sa lahat ng kagawaran, kawanihan at ahensya ng gobyerno na gamitin ang wikang Filipino sa mga opisyal na komunikasyon, transaksyon at korespondensya.
Pangunahin sa mga kagawaran na nagwagi ng selyo ng kahusayan sa Serbisyo Publiko ay ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Department of Agriculture (DA).
Nakatanggap din ng parangal ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at ang Presidential Communications Operations office (PCOO).
Maging ang mga pamahalaang lungsod ng Maynila, Muntinlupa, Taguig at Sta Rosa ay ginawaran ng Komisyon sa Wikang Filipino.
Pangunahin din sa mga nagsusulong ng Wikang Filipino na pinarangalan ay ang mga pagamutan gaya ng Quirino Memorial Medical center at Rizal Medical center.
Sa apat na pagkakataon naman ay binigyang-gawad ang Philippine Postal Corporation o Korporasyong Pangkoreo ng Pilipinas.
Kabilang pa sa mga nakatanggap ng timpalak ang National Anti-Poverty Commission at Commission on Filipino Overseas.
Inihalintulad ng KWF si Commissioner Dr. Purificacion Delima sa mga bituin ang mga nagwaging ahensya dahil sa pagiging modelo sa kahusayan sa paggamit ng wikang pambansa sa pagsisilbi sa bayan.
Sa kanyang talumpati, binigyang -diin ni KWF Chairman at National Artist for Literature Virgilio S. Almario ang halaga na ang Wikang Pambansa ay maging wikang opisyal ng gobyerno.
Umaasa naman ang Komisyon na sa susunod na taon ay dudoble pa ang bilang ng mga tanggapan at lokal na pamahalaan na susunod sa paggamit ng Filipino sa serbisyo publiko.
Ulat ni Moira Encina