Hindi lang Good Conduct Time Allowance o GCTA Law ang ibinebenta sa loob ng New Bilibid Prison sa Muntinlupa.
Sa pagharap ng bagong testigo sa pagdinig ng Senado, kinumpirma ni Godfrey Gamboa na nagbayad siya ng 50,000 piso kapalit ng pagpapaikli ng kaniyang sentensya.
Pinatunayan ni Gamboa ang pahayag ng kaniyang asawa na si Yolanda Camelon at iginiit na matagal nang ganito ang kalakaran sa NBP.
Batay sa mga nasaksihan niya sa halos apat na taon sa bilangguan, mayayamang bilanggo na nasa maximum security compound ang mga naunang nakalaya habang namatay naman sa bilangguan ang mahihirap na bilanggo.
Nauna nang sinabi ni Yolanda Camelon na umaabot sa 50,000 piso ang hiningi sa kanya ng grupo nina Chito Roque, Mabel Bansil at Veronica Buno kapalit ng pagpapalaya sa kaniyang asawa.
Hiningan rin aniya ang iba pang kakilala niyang bilanggo depende ang halaga sa laki ng kaso.
Pero bukod sa ginagawang negosyo ang GCTA, sabi ni Gamboa, marami pang ginagawang raket at negosyo ang mga opisyal ng Bucor.
Kabilang na rito ang paniningil sa mga preso kapag nais na magpasok ng cellphone, tv, pagkain at iba pang gadgets at paraphernalia.
Pero wala aniyang gustong magsalita sa mga bilanggo dahil alam nilang papatayin sila oras na magsumbong.
Alam niya raw ang panganib sa paglantad nya pero mas gusto nyang magsalita para matigil na ang panloloko ng mga opisyal ng Bucor.
Nang tanungin ang mga opisyal ng bucor sa alegasyo ng mag-asawa, itinanggi ito ng mga opisyal.
Dahil dito, napilitan si Camelon na ilabas ang audio recording ng kanilang pag-uusap ni Buno.
Sa audio recording, nagpa-follow up sa kaniya si Buno para singilin dahil ginawang hulugan ang pagbabayad sa GCTA pero hindi naman nakalaya ang kaniyang asawa.
Ayon sa sa mga Senador, malinaw na si Buno ang nagsasalita sa audio recording.
Dahil dito ipasusuri ng Senado ang voice recording ni Buno sa NBI kasama na ang telepono nila ni Densing matapos makumpirmang binura na ang call logs at mga text messages.
Kinumpirma naman ni Senador Bong Go na hindi lang sila Camelon at Gamboa ang biktima ng mga tiwaling opisyal ng Bucor.
Sa pagdalaw niya kanina sa NBP, maraming lumapit na bilanggo at inireklamo ang talamak na lagayan doon.
Sa ngayon, inatasan ng Senado ang mga opisyal ng Bucor na magsumite ng kopya ng kanilang Statement of Assets Liabilities at Networth mula noong 2013 hanggang ngayong taon.
Hiniling na rin ng Senado na isailalim sila sa lifestyle check.
Ulat ni Meanne Corvera