Pangulong Duterte, walang karapatang ipaaresto ang mga napalayang convicts kundi ang Korte lamang alinsunod sa batas- ayon sa isang Kongresista
Hindi maaring dakpin ang isang tao kung walang warrant of arrest…..
Sa panayam ng programang Eagle in Action, sinabi ni Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez, co-author ng GCTA Law, bagamat maganda ang layunin ni Pangulong Rodrigo Duterte na ipabalik sa kulungan ang mga convicted sa heinous crimes na napalaya dahil sa GCTA law, nakasaad pa rin sa konstitusyon na kailangang arestuhin ang isang tao sa pamamagitan lamang ng warrant of arrest.
Paliwanag ng mambabatas, bagamat mali ang naging implementasyon ng GCTA law, hindi naman mga takas o pugante ang mga darakpin kundi mga pinalaya ng batas.
Wala rin aniyang karapatan ang Pangulo na ipaaresto ang mga convicts kung hindi ang hukuman lamang.
Nauna nang nagbigay ng 15 araw na deadline si Pangulong Duterte sa 1,700 napalayang convicts na sumuko sa mga otoridad.
Sinabi naman ni Senador Bong Go na maaring barilin o patayin ng mga pulis ang mga convicts kung hindi susunod sa kautusan ng Pangulo.
“Not even a President can order an arrest unless escapee, yung committing a crime, yung mga ganun, pwedeng arestuhin yun. Pero itong napalaya dahil nag-serve ng sentence at napalaya sa GCTA Law. Only the court can issue an arrest dahil meron tayong division of powers“.