Dating inmate, isinalaysay ang bayaran at pag-fake ng mga medical records sa loob ng NBP
Isinalaysay ng dating bilanggo na si dating Valencia city Mayor Jose Galario Jr. kung paano nagkakaroon ng bayaran at pinepeke ang medical records para payagan ang mga convicted drug lords na ma-confine sa ospital.
Si Galario ay retiradong pulis na nahatulan dahil sa graft cases.
Na-confine si Galario dahil sa problema sa kidney at pananakit ng kaniyang dibdib.
Kuwento nito tatlong beses umano syang nagbayad ng 1,000 pesos kay Dr. Urcisio Cenas na nakatalaga sa NBP hospital kapalit ng kaniyang medical certification .
Pinatunayan rin ito ng kaniyang anak na si Greiz Fernandez na nagsabing dalawang beses rin syang nagbayad para lamang maglabas ng prescription at payagan ang pagpasok ng gamot ng kaniyang ama.
Pero habang naka-confine, isang bilanggo ang nakilala niya bilang “Boy Buwaya” na isa sa mga kilalang druglords.
Naka-confine aniya ito sa medical ward 3 ng ospital na nagsilbi na ring communications center ng kaniyang drug operations.
Tinukoy rin nito ang walong high profile inmates na nakakulong sa Building 14 na nakasama niya sa ward pero wala namang sakit.
Pero pinabulaanan ni Cenas ang alegasyon.
Ibinabatay law daw nila sa evaluation ng mga nurse ang anumang medical records o pananatili nila ng matagal sa ospital.
Ulat ni Meanne Corvera