Isa pang grupo ng BuCor officials na tetestigo sana kahapon sa Senado, umurong dahil sa takot
Umatras ang isang grupo ng mga opisyal ng Bureau of Corrections na nagbalak tumestigo kahapon sa Senado ukol sa mga anumalya sa kanilang ahensya.
Ayon kay Senate President Vicente Sotto III, bago ginanap ang pagdinig ng Senado sa GCTA for Sale at Hospital passes for Sale, nakipag-usap sa kanila ni Senador Panfilo Lacson ang nasabing mga BuCor officials.
Humingi aniya sila ng pulong dahil marami raw silang sasabihin pero biglang umurong.
Hinala ni Sotto, umurong ang mga testigo dahil sa takot dahil sa mga kaso ng pananakot at pagpatay.
Isa sa tinukoy ni Sotto ang pananaksak sa isang BuCor officer kahapon ng umaga na ama pala ng isang Senate security personnel.
Pinaiimbestigahan na ito ni Sotto sa National Bureau of National Bureau of Investigation (NBI) dahil sa kaniyang impormasyon, bago saksakin ang biktima, sinabihan ito ng suspek na utos lang na patayin ito.
Noong nakaraang buwan, pinatay din ang administrative officer ng Bilibid na si Ruperto Traya.
Inaasahan naman ni Sotto na mahihikayat na kumanta ang mga opisyal ng bilibid at iba pang testigo sa mga susunod pang pagdinig ng Senado.
Ulat ni Meanne Corvera