Pangulong Duterte, wala umanong otoridad para isantabi ang naipanalo ng Pilipinas na arbitral ruling sa West Phil. Sea – Senior Assoc. Justice Antonio Carpio
Walang otoridad ang Pangulo ng bansa na isantabi ang ruling sa Arbitration case kaugnay sa pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea na naipanalo ng Pilipinas noong 2016.
Sa isang statement, sinabi ni Supreme Court Senior Associate Justice Antonio Carpio na sa batas ang kahulugan ng mga salitang ‘set aside’ ay inabandona, baligtarin o ipawalang bisa ang isang ruling.
Aniya bagamat hindi otorisado ang Presidente na isantabi ang arbitral ruling, ang deklarasyon ni Pangulong Duterte na isinasantabi niya ito ay maaring magtali sa Pilipinas sa ilalim ng Doctrine of Unilateral Declarations sa International Law.
Ibig sabihin ay mistulang binibigyan na ng Pilipinas ang China ng implied consent na wini-waive o isinusuko nito ang sovereign rights sa West Philippine sea.
Nilinaw naman ni Carpio na bilang Chief Architect ng Foreign policy ay may prerogative ang Pangulo kung kailan nito igigiit ang Arbitral ruling nang hindi ito inaabandona.
Pinasalamatan naman ni Carpio si Foreign Affairs secretary Teodoro Locsin dahil sa agad na paglilinaw nito na hindi inaabandona ng Pilipinas ang 2016 arbitral ruling.
Nakapag-isyu aniya ng pahayag si Locsin bago pa man tanggapin ng China ang Unilateral Declaration ni Duterte na isinasantabi nito ang Arbitral ruling.
Ayon pa kay Carpio, ang Presidente mismo ang nagsabi sa unang State visit nito sa China na wala siyang otoridad na isuko ang sovereign rights ng bansa sa West Philippine sea.
Ulat ni Moira Encina