Kaso ng African swine fever sa bansa, konrolado pa rin ng Department of Agriculture – Malakanyang
Tiniyak ng Malakanyang na under control pa rin ang problema ng African Swine Fever o ASF sa ilang bahagi ng bansa.
Kasunod ito ng kumpirmasyon ni Agriculture Secretary William Dar na mas marami pang lugar sa Central Luzon ang isinailalim sa quarantine dahil sa posibilidad na positibo sa ASF ang mga alagang baboy doon.
Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo ginagawa na ng Department of Agriculture o DA ang lahat upang matugunan ang problema.
Ayon kay Panelo hindi na rin umano kailangang maglabas pa ng direktiba ang Palasyo dahil alam na ni Secretary Dar ang mga hakbang na dapat gawin.
Samantala kaugnay naman ng pag-aanunsyo sa pagkakaroon ng ASF sa iba pang lugar sa bansa inihayag ni Panelo na dapat ay ipaalam muna ng lokal na pamahalaan sa DA ang impormasyon bago ito isa-publiko.
Una nang sinabi ni Secretary Dar na hindi nila alam na nagpositibo sa ASF ang ilang baboy sa Quezon City kasunod ng anunsyo ni Mayor Joy Belmonte na nakapasok na ang African Swine Fever sa nasabing lungsod.
Ulat ni Vic Somintac