Pagpapaliban ng Barangay elections na nakatakda sa susunod na buwan, tatalakayin na sa plenaryo ng Senado
Isasalang na sa deliberasyon sa plenaryo ng Senado ang panukalang batas na naglalayong ipagpaliban ang nakatakda sanang Barangay elections sa susunod na buwan.
Ayon kay Senate committee on Electoral Reform chairman Senador Imee Marcos, nakahanda na ang committee report sa naturang panukala na inakda ni Senador Bong Go.
Mahalaga aniyang agad matalakay at maaksyunan ang nabanggit na panukala dahil sa susunod na buwan na ang naka-iskedyul na halalang Pambarangay.
Sa committee report, nakasaad na sa halip na sa Oktubre ngayong taon, sa 2023 na isasagawa ang Barangay elections o pagkatapos ng 2022 National elections.
Umaasa si Senador Marcos na ito na ang huling pagkakataon na maipagpapaliban ang halalang Pambarangay dahil sa ilalim ng panukala, pagkatapos ng 2023 Barangay elections isasagawa na ito tuwing ikatlong taon o kada isang taong pagkatapos ng National elections.
Ibig sabihin magkakaroon ng tatlong taong termino ang mga Barangay officials.
Pagkatapos ng Barangay elections sa 2023 ang susunod na eleksyon ay gagawin na sa 2026.
Ulat ni Meanne Corvera