Bilang ng mga sumukong PDLS, umabot sa 2,009…DOJ, minamadali na ang paglilinis sa listahan ng mga convicts na kailangan muling arestuhin
Sumobra pa ang bilang ng mga sumukong bilanggo sa bilang ng mga convicts na napalaya bunsod ng Good Conduct Time Allowance (GCTA) law.
Batay sa orihinal na listahan ng Bureau of Corrections, kabuuang 1,914 Persons Deprived of Liberty o PDLs ang maagang nakalaya dahil sa expanded GCTA law.
Pero ayon kay Justice undersecretary at spokesperson Markk Perete, umabot sa 2,009 na PDLs ang sumuko sa mga otoridad.
1,773 sa mga ito ay nasa kustodiya ng Bucor habang ang 236 ay nasa kustodiya ng PNP.
Paliwanag ni Perete, humigit ang bilang ng mga surrenderers dahil tinanggap ng Bucor at ng PNP kahit ang ibang preso na hindi naman pinalaya dahil sa GCTA.
Tumanggi rin anya ang mga sumukong PDLs na wala naman sa GCTA list na umalis hangga’t walang sertipikasyon mula sa otoridad na hindi na sila aarestuhing muli.
Inamin din ni Perete na erroneous o may mali sa orihinal na listahan dahil nakasama doon pati ang mga presong nabigyan ng pardon, clemency o kaya ay nacommute ang sentensya.
Bunsod nito, hiniling ng DOJ sa DILG at PNP na itigil muna pansamantala ang re-arrest sa mga presong habang nililinis ang listahan ng mga convicts na dapat muling arestuhin.
Pero ang Pangulo lamang anya ang maaring magutos na ipahinto ito.
Tiniyak ni Perete na minamadali na ng DOJ ang paglinis sa listahan upang ang mga presong dapat lang muling maaresto ang kasama sa listahan.
Pero aminado ang opisyal na komplikado ang ginagawang pagberipika kung sinu sino ang mga heinous crime convicts dahil kailangan pa nilang makita ang records ng bawat bilanggo.
Ulat ni Moira Encina