Court of Appeals, inatasan ang Office of the Ombudsman na sagutin ang petisyon ng sinibak na Overall Deputy Ombudsman Melchor Carandang
Hindi pinigilan ng Court of Appeals ang pagsibak ng Malacañang kay Melchor Arthur Carandang bilang Overall Deputy Ombudsman.
Sa halip inatasan ng CA Second division ang Office of the Ombudsman na maghain ng komento sa petisyon ni Carandang na pigilin ang pagtanggal sa kanya sa puwesto.
Inakyat ni Carandang sa Appellate Court ang kaso matapos na ipatupad ng Office of the Ombudsman ang desisyon ng Office of the President na sibakin si Carandang.
Sa kanyang petition for review, hiniling ni Carandang sa CA na isantabi ang desisyon ng Office of the President na tanggalin siya sa posisyon.
Nanawagan din si Carandang sa Appellate Court na maibalik siya sa kanyang puwesto bilang Overall Deputy Ombudsman.
Iginiit ni Carandang sa kanyang petisyon na walang administrative disciplinary jurisdiction ang Pangulo para siya ay sibakin sa puwesto.
Pinatawan ng palasyo ng Dismissal sa serbisyo si Carandang dahil sa mga kasong Betrayal of Public Trust at katiwalian matapos na ihayag nito sa media na may hawak na bank records ang Ombudsman ukol sa
sinasabing nakaw na yaman ni Pangulong Duterte at ng pamilya nito.
Ulat ni Moira Encina