Bilang ng mga sumukong preso, umabot na sa mahigit 2,200
Umakyat pa sa 2,221 ang bilang ng mga sumukong bilanggo sa mga otoridad.
Ayon kay Justice Undersecretary at Spokesperson Markk Perete, 1,985 sa mga ito ay nasa kustodiya na ng Bureau of Corrections habang ang 236 ay nasa PNP.
Sobra na ang nasabing bilang sa 1,914 na nasa orihinal na listahan ng Bucor ng mga napalayang inmates mula 2014 dahil sa Good Conduct Time Allowance (GCTA) Law.
Sinabi naman ni Perete na nakatakda na ring palayain ng Bucor ang mga sumukong preso na hindi naman nakalaya dahil sa GCTA.
May nakalatag na rin anyang contingency plans ang Bucor para matugunan ang ang isyu sa sanitation at pagkain.
Inihayag pa ni Perete na nagpunta sa Senado ang DOJ- Bucor Task Force para tingnan ang carpetas o prison records ng mga pinalayang inmates bilang bahagi ng verification process.
Una nang sinabi ni Perete na minamadali na ng DOJ ang paglinis ng listahan ng mga heinous crime convicts na nakalaya dahil sa GCTA para pagbatayan ng PNP sa re-arrest ng mga ito.
Ulat ni Moira Encina