DOJ, pinaiimbestigahan sa NBI ang pagkamatay ng isang PMA Cadet dahil sa hazing
Inatasan na ng Department of Justice (DOJ) ang National Bureau of Investigation (NBI) na imbestigahan ang hazing incident sa Philippine Military Academy na nagresulta sa pagkamatay ni Cadet 4th class Darwin Dormitorio.
Sa Department order number 503 na may lagda ni Justice Secretary Menardo Guevarra, iniutos din sa NBI na mag-case build up at kung may ebidensya ay maghain ng kaukulang kaso laban sa mga responsable sa insidente.
Pinagsusumite rin ni Guevarra si NBI Director Dante Gierran ng report ukol sa itinatakbo ng imbestigasyon at case build up direkta sa Office of the Secretary.
Batay sa mga opisyal, namatay si Dormitorio dahil sa cardiac arrest bunsod ng internal hemorrhage na natamo dahil sa hazing.
Mayroong nang tatlong PMA upperclassmen na idinadawit sa hazing ang iniimbestigahan ng mga opisyal ng paaralan.
Ulat ni Moira Encina