Planong pagsingit ng Pork Barrel ng mga Kongresista iniatras na
Inatras na ng mga Kongresista ang planong pagsingit ng Pork Barrel sa panukalang 2020 National Budget.
Ayon kay Senador Panfilo Lacson, inatras ang planong insertions matapos magsalita ang Pangulo hinggil dito.
Bagamat hindi pa malinaw kung saan planong isingit, nauna nang sinabi ni Lacson na aabot sa tig-isa’t kalahating bilyong piso ang planong isingit na pork barrel ng 22 Deputy speakers habang 700 million naman sa may 300 miyembro ng Kamara.
Ayon kay Lacson, tumawag sa kanya si Deputy Speaker for Finance Ray Villafuerte at pinapabulaanan ang tangkang pagsingit ng pork barrel.
Pero kahit iniatras, sinabi ng Senador na tuloy ang pagbusisi nila sa Pambansang pondo.
Malaking kuwestyon aniya bakit may binuo pang small committee ang Kamara samantalang aprubado na sa third at final reading ang panukala.
Katunayan iniimprenta na ang kopya nito para maipadala sa Senado.
Matatandaang noong nakaraang taon na delay ang pagpapatibay ng budget dahil sa girian ng Kamara at Senado sa Pork insertions sa pondo ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Ulat ni Meanne Corvera