DOJ, target maisumite sa katapusan ng Setyembre ang sanitized list ng mga heinous crimes convicts na napalaya dahil sa GCTA
Inaasahang isusumite na ng Department of Justice (DOJ) sa Setyembre 30 ang sanitized list ng mga heinous crime convicts na maagang nakalaya dahil sa maling aplikasyon ng expanded Good Conduct Time Allowance (GCTA) law.
Ang nasabing cleaned-up list ang pagbabatayan ng pulis at militar sa pag-aresto muli sa mga heinous crime convicts na nakinabang sa pinalawig na GCTA law.
Sinabi ni Justice Secretary Menardo Guevarra na target nila na maisumite sa DILG at PNP ang bagong listahan sa katapusan ng buwan para masimulan na ang pagtugis sa mga nasabing convicts.
Dahil dito, pagsapit anya ng October 1 maaari nang magsimula ang mga otoridad sa pagdakip sa mga heinous crime convicts na hindi dapat nakinabang sa GCTA.
Sa orihinal na listahan ng Bureau of Corrections, kabuuang 1,914 PDLS ang napalaya raw dahil sa GCTA mula 2014.
Pero lumabas na may ilan sa listahan ang hindi naman heinous crime convicts o kaya naman ay nabigyan ng pardon, parole, executive clemency at nacommute ang sentensya.
Ulat ni Moira Encina