Walong inmates ng Bilibid kinuwestyon sa Korte Suprema ang nirebisang IRR ng RA 10592 o expanded GCTA law
Nagpasaklolo na sa Korte Suprema ang walong inmates ng New Bilibid Prisons (NBP) para kuwestyunin ang legalidad at constitutionality ng ilang probisyon ng nirebisang Implementing Rules and Regulations ng Republic Act 10592 o expanded Good Conduct Time Allowance (GCTA) law.
Ito ay sa pamamagitan ng inihaing Petition for Certiorari and Prohibition na inihain ng mga heinous crime convicts sa Bilibid na sina Russel Fuensalida, Toshing Yiu, Benjamin Galvez, Cerilo Obnimaga, Urbano Mison, Roland Gamba, Pablo Panaga at Rommel Deang.
Ang mga nasabing petitioners ay convicted sa mga kasong rape, murder, at illegal drugs.
Respondents sa petisyon sina Justice Secretary Menardo Guevarra, Interior and Local Government secretary Eduardo Año, Bureau of Corrections Director General Gerald Bantag, at Bureau of Jail and Management Penology (BJMP) chief Allan Sullano Iral.
Sa 2019 revised IRR, idiniskwalipika ang mga heinous crime convicts, recidivist, habitual delinquents at escapees sa puwedeng makinabang sa time allowance.
Ayon sa mga petitioners, nakagawa ng grave abuse of discretion ang mga respondents nang lagdaan ang revised irr ng batas.
Dahil dito, hiniling ng mga petitioners sa Supreme Court na ipag-utos sa Bucor at BJMP na ipagbawal ang retroactive na aplikasyon ng Section 1 ng IRR na nagdidiskwalipika sa ilang inmates dahil sa disadvantageous ito sa kahit sinong preso.
Ipinapadeklara din nila na invalid ang ilang probisyon ng 2019 revised IRR ng expanded GCTA law.
Iginiit nila na katumbas ng Executive Legislation at Going Beyond the Law ang mga nirebisang panuntunan ng GCTA.
Nilabag din anila ng ilang probisyon ang equal protection clause sa Saligang Batas at Revised Penal code.
Nais din ng mga convicts na atasan ng Korte Suprema ang Bucor at BJMP na ire-compute ang time allowances nila at ng iba pang katulad nila na PDLs at agad na palayain kapag nabuno na nila ang kanilang sentensya.
Ulat ni Moira Encina