Mga Heinous Crime convicts dapat din na maging benepisyaryo ng pinalawig na GCTA law – ayon sa Bilibid inmates na naghain ng petisyon sa Korte Suprema
Naniniwala ang mga Bilibid inmates na naghain ng petisyon sa Korte Suprema na dapat makinabang din silang heinous crime convicts sa expanded Good Conduct Time Allowance (GCTA) Law.
Sa petisyon ng walong heinous crime convicts, iginiit nila na anuman ang klase ng krimen kung saan sila nahatulan ay dapat silang maging benepisyaryo ng GCTA.
Dapat anila silang palayain ng DOJ at Bucor kahit pa magdulot ito ng galit ng publiko.
Paliwanag ng mga petitioners, matagal nang umiiral sa Criminal Justice system ng bansa ang pagkakaloob ng Time Allowance sa mga bilanggo para sa magagandang pag-uugali.
Ipinunto pa nila na hindi vindictive ang mga criminal laws ng bansa kundi reformative.
Sa ilalim ng Section 1 ng 2019 revised IRR ng Republic Act 10592, excluded o hindi kasama sa mga dapat makinabang sa expanded GCTA ang nahatulan ng karumal-dumal na krimen.
Pero ayon sa mga convicts, disadvantageous ito sa mga dati nang nakulong bago ang RA 10592.
Labag din anila ito sa Article 22 ng Revised Penal Code na nagtatakda na ang penal laws na paborable sa mga convict ay dapat na maging retroactive.
Ulat ni Moira Encina