JBC, inumpisahan na ang Public interview sa mga aplikante sa posisyon ng Chief Justice…SC Justice Diosdado Peralta, napaiyak sa kaniyang pagsalang sa JBC
Inumpisahan na ng Judicial and Bar Council (JBC) sa pagkilatis sa mga aplikante sa posisyon ng Chief Justice.
Ang apat na kandidato sa pwesto ay sina Supreme Court Justices Diosdado Peralta, Estela Perlas – Bernabe, Andres Reyes Jr. at Jose Reyes Jr.
Una sa sumalang sa public interview si Justice Peralta.
Hindi naiwasang mapaiyak ni Peralta sa huling bahagi ng panayam sa kanya.
Habang inihahayag ang kanyang closing statement ay naging emosyonal si Peralta at sinabing sentimental siyang tao.
Naniniwala si Peralta na karapat dapat siya na maging Punong Mahistrado dahil sa nagsikap at nagtrabaho siya ng maigi sa loob ng maraming taon.
Naalala anya ang mga karanasan niya sa mga nakaraan na hindi anya siya top notcher sa bar at hindi rin sya honor student.
Pero naniniwala siya na ang naging trabaho niya bilang Public Prosecutor, bilang hukom, Associate Justice at Presiding Justice ng Sandiganbayan at Associate Justice ng Korte Suprema ay sapat na.
Umaasa naman si Peralta na may pagasa sa tulad nya na hindi topnotcher at honor student na maikonsidera para maging Chief Justice.
Nilinaw ni Peralta na hindi siya arogante gaya ng impresyon sa kanya ng ilan na inamin niyang masamang pakinggan.
Sa unang bahagi ng panayam, inihayag ni Peralta na sakali siyang mahirang na Punong Mahistrado ang pangunahin sa mga programa at proyekto na kanyang ipapatupad at tututukan ay ang pagresolba sa backlog ng mga kaso sa mababang Korte at Supreme Court.
Ilan din anya sa mga proyekto niyang nakalatag para sa susunod na dalawang taon at kalahati bago siya magretiro ay ang pag-automate ng court processes, pagmonitor sa performance ng lahat ng Korte, pagpapalakas sa Office of the Court Administrator at pagrebisa sa Rules of Court.
Ipinagmalaki pa ni Peralta na malaki ang improvement ng resolusyon ng mga kriminal na kaso sa mga hukuman dahil sa continuous trial guidelines na kanyang isinulong.
Naniniwala pa si Peralta na taglay niya ang mga katangian para maging mahusay na punong mahistrado at mas kwalipikado siya ngayon kaysa sa mga nakaraang nagapply siya sa puwesto.
Binigyang diin pa ni Peralta na sinusunod niya ang leading by example.
Natanong din si Peralta ni JBC member at retired SC Justice Noel Tijam sa kaso na isinulat nito ukol sa plea bargaining cases sa mga drug cases at ang retroactive na aplikasyon sa ra 10592 o expanded GCTA Law.
Ulat ni Moira Encina