Pagsasampa ng kaso laban sa militanteng grupong nagre- recruit ng mga kabataan para umanib sa NPA, ipauubaya na sa mga otoridad
Inirekomenda ng dalawang kumite ng Senado na imbestigahan ng mga awtoridad at determinahin kung dapat sampahan ng kasong kriminal ang isang Partylist Representative at pitong iba pa na tinukoy na nag-recruit ng mga estudyanteng menor de edad para umanib sa New People’s Army. (NPA).
Ito’y sina Kabataan Partylist representative Sarah Elago, dating Anakbayan Party List representative Vencer Crisostomo at umano’y mga lider militante na nagngangalang, Charie del Rosario, Bianca Gacos, Jayroven Balais, Einsten Recedes, Alex Danday at Erica Cruz.
Ang rekomendasyon ay batay sa report ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs na pinamumunuan ni Senador Ronald Bato dela Rosa, at Senate Committee on National Defense and Security na pinamumunuan ni Senador Ping Lacson.
Sa Committee report number 10, nakasaad na kapag nakitaan ng ebidensya, dapat kasuhan ang mga nabaggit dahil sa paghikayat ng mga menor de edad na maglayas at iwan ang kanilang pamilya.
Ayon sa mga Senador, paglabag ito sa Article 271 ng Revised Penal code kung saan mahigpit na ipinagbabawal ang recruitment ng mga bata para sumapi sa armadong grupo, explotation at iba pang krimen.
Kasabay nito ipinadidisplina naman sa Commission on Higher Education (CHED) at sa Department of Education ang mga guro na umano’y humimok sa mga estudyante na sumali sa mga kilos protesta laban sa gobyerno.
Kasama sa rekomendasyon ng Senado na pahintulutan ang occasional presence ng mga pulis sa mga campus para masawata ang terorismo at pagrerecruit ng mga armadong grupo sa mga estudyante.
Kasama ang rekumendasyon na regular na repasuhin ang curriculum at modules at ang aktibidad ng mga eskwelahan para masigurong itinuturo ang pagmamahal sa bayan.
Sa pagbabalik sesyon ng Senado sa Nobyembre, inaasahan itong matatalakay sa plenaryo.
Ulat ni Meanne Corvera