PNP Chief Albayalde, itinuro ni PDEA Director Aquino na umarbor para pigilan ang dismissal sa mga pulis na nakasuhan ng shabu recycling
Itinuro na ni Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Director Aaron Aquino si Philippine National Police (PNP) Chief Director General Oscar Albayalde na umarbor para pigilan ang dismissal sa 13 pulis na nakasuhan sa recycling ng shabu sa Pampanga noong 2013.
Sa pagdinig ng Senado, kinumpirma ni Aquino na tinawagan siya ni Albayalde at pinakiusapang huwag munang i-implement ang dismissal order sa kaniyang mga dating tauhan sa Pampanga.
Hindi niya raw agad ito sinabi sa nakaraang pagdinig dahil sa matinding pressure sa kanya.
Natakot rin aniya siya para sa kaniyang pamilya dahil sa matinding banta sa kaniyang buhay.
May nagsabi umano sa kanya na pinaghahandaan na ang kaniyang pamilya na sinundan pa ng pag-aalis ng PNP sa kaniyang security escorts.
Ayon kay Aquino, habang iniimbestigahan ang kaso, ang mga pulis ipinatapon pansamantala sa Mindanao.
Nilinaw naman ni Aquino na wala siyang intesyong pasamain ang imahe ng PNP sa pagbubunyag ng isyu dahil kahit mga PDEA agents ay nasasangkot din sa kaso.
Katunayan, limang tauhan ng PDEA ang nadismiss dahil sa drug recycling.
Ulat ni Meanne Corvera