Plantasyon ng mga saging sa Davao del Norte, planong isama sa clearing operations
Nanganganib daw na bumagsak ang industriya ng saging sa bansa dahil sa plano ng pamahalaang panlalawigan ng Davao Del Norte na isama sa clearing operations ang plantasyon ng mga saging sa probinsya.
Balak daw ni Davao Del Norte Gov. Edwin Jubahib na idamay sa clearing maging ang mga pribadong kalsada Kahit tapos na ang 60 araw na deadline ng DILG sa paglilinis ng road obstruction.
Sa isang pulong balitaan sa Maynila, sinabi ng TADECO O Tagum Agricultural Development Company na kabilang sila sa maapektuhan sa plano.
Ang TADECO NA na nangunguna sa pag-export ng ‘Cavendish banana’ sa buong mundo ay may ilang pasilidad sa bayan ng Panabo
kasama na ang mga “biosecurity facilities” nito bago pumasok sa plantasyon.
Ayon kay Atty. Nick Banga, chief legal officer ng TADECO, malaking problema ito dahil maaapektuhan maging mga pasilidad nila na may mga “tire dips” para sa mga sasakyan at mga “footbath” para sa publiko na kailangan upang maiwasan ang pag-atake sa mga tanim na saging ng ‘Panama Disease.’
Nagbabala pa si Banga na hindi lang Tadeco ang apektado rito kundi maging iba pang plantasyon ng saging sa Davao region kung saan ang Davao del Norte ay binansagang ‘Banana Capital’ ng Pilipinas.
Samantala, nilinaw na ni DILG Usec. at spokesperson Jonathan Malaya na hindi kasama sa Memorandum Circular 2019-121 ang ‘road expansion’ at mga pribadong kalsada sa mga plantasyon katulad ng TADECO.
Anya sa pagtatapos ng road clearing noong isang buwan, sustainment na lang sa mga nalinis na pampublikong kalsada ang dapat pagtuunan ng pansin ng mga lokal na gobyerno.
Ulat ni Moira Encina