Isetann Mall sa Recto, Maynila, ipinasara na ni Mayor Isko Moreno dahil sa maraming mga paglabag
Ipinasara ni Mayor Isko Moreno ang Isetann Mall na nasa Recto sa Maynila.
Ayon sa alkalde sa ginawa nilang pagsisiyasat ay nakitaan ng maraming paglabag ang management at operator ng nasabing mall kaya nila napagdesisyunan na ipasara ito.
Ilan sa mga paglabag na nakita ay ang kawalan ng Permit ng Operator ng Mall para magpaupa o ang tinatawag na Lessor permit.
Bukod rito, misdeclared rin umano ang sukat ng mall na nasa 1,000 square meters lang daw…pero nakita sa Tax declaration nito na nasa 20,000 square meters ang kanilang deklaradong sukat.
Misdeclared din ang bilang ng empleyado nito na aabot lang umano sa sampu…gayong ayon kay Mayor Isko ay imposible dahil malaking shopping mall ito.
Sinabi naman ni Mayor Isko na may tyansa pa na makapagbukas muli ang nasabing mall basta sumunod lang sila sa batas at kumuha ng mga karampatang permit.
Umaasa naman si Mayor Isko na magsisilbi itong babala sa iba pang establisimyento sa lungsod.
Matatandaang naging mainit ang alkalde sa nasabing mall matapos ma-trace sa isang tindahan rito ang isang nakaw na cellphone at naging daan din para ipagbawal na ng alkalde ang pagbebenta ng second hand phones sa lungsod.
Ang Isetann mall ang isa sa maituturing pinakamatandang shopping mall na ilang dekada ng nag-o-operate sa lungsod.
Ulat ni Madz Moratillo