DOH, pinag-aaralan kung isasama sa libreng bakunang ibinibigay ng gobyerno ang bakuna kontra Meningococcemia
Pinag-aaralan pa ng Department of Health (DOH) kung isasama nila sa mga bakunang libreng ibinibigay ng pamahalaan ang bakuna kontra meninggococemia.
Paliwanag ni Health secretary Francisco Duque III bagamat aabot sa 169 ang naitalang kaso ng meningococemia sa bansa ay hindi pa naman masasabi na mataas ang bilang na ito.
Batay sa datos ng DOH Epidemiology Bureau, ang nasabing 169 na kaso ng meningococemia ay naitala mula Enero hanggang Setyembre at sa nasabing bilang ay 88 ang nasawi.
Mas mataas naman ito kaysa sa 162 na kasong naitala ng DOH noong nakaraang taon kung saan 78 naman ang nasawi.
Sa Batangas ayon kay DOH-Calabarzon regional director Eduardo Janairo…nasa lima na ang nasawi dahil sa meningococemia.
Habang sa Davao at Bicol ay may naitala ring nasawi dahil rito.
Aminado si Duque na hanggang ngayon ay hindi pa rin nila matukoy ang pinagmulan ng nasabing sakit.
Kaya naman paalala ni Duque, mahalaga ang tamang hygiene para maiwasan ang pagkalat ng sakit.
Kabilang sa mga bakuna na libreng ibinibigay ng pamahalaan ay ang para sa Tuberculosis, Polio, Diphtheria, Tetanus, Pertussis at Tigdas.
Ulat ni Madz Moratillo