IRR ng Universal Health care Law, nalagdaan na
Asahan ang mas dekalidad na serbisyong pangkalusugan sa bawat Filipino.
Ito ang tiniyak ni Health secretary Francisco Duque III matapos malagdaan ang Universal Health care Law.
Sa ilalim ng Implementing Rules and Regulations ng batas, bawat Filipino at awtomatikong magiging miyembro ng Philhealth at magiging eligible sa No Balance billing sa oras na ma-admit sa basic o ward accomodation ng ospital.
Tiniyak rin dito ang basic ward accomodation sa lahat ng ospital sa pamamagitan ng prescribed na private bed ratio na 90:10 para sa Public health facilities; 70:30 sa punlic specialty health facilities at minimum ng 10:90 para sa private health facilities.
Bawat mamamayan ay itatalaga rin sa isang Primary care provider o health worker na siyang magiging paunang kontak ng bawat isa patungkol sa pangangalagang pangkalusugan.
Sinabi pa ni Duque ang health system ng bansa ay dapat nakatutulong sa bawat Pinoy hindi lang sa tuwing sila ay may sakit kundi maging sa pang-araw-araw na pamumuhay.
Tiniyak ng kalihim na sa Universal Health care law ay kasama ang lahat ng mga Filipino pero dapat ay maging responsable rin ang bawat isa sa kanilang kalusugan.
Si Senador Risa Hintiveros naman na isa sa co-author ng panukala para sa UHC, tiniyak na babantayan para masigurong mararamdaman ng bawat Filipino ang benepisyo ng batas.
Magbabantay rin aniya sila para masiguro na maipatutupad ito ng buo.
Dagdag naman ni Duque kahit nalagdaan na ang IRR ng UHC, tuluy-tuloy pa rin ang pulong ng kanilang Technical working groups para masiguro ang maayos na implementasyon nito.
Ulat ni Madz Moratillo