Dating Senador Antonio Trillanes at ang babaeng negosyante na naghain ng kidnapping laban sa kanya, nagharap sa pagdinig ng DOJ
Nagkaharap sa pagdinig ng Department of Justice (DOJ) si dating Senador Antonio Trillanes IV at ang babaeng negosyante mula sa Davao del Norte na nagparatang sa kanya ng kidnapping at serious illegal detention.
Sa Preliminary investigation, pinanumpaan ni Guillermina Barrido ang kanyang reklamo laban kay Trillanes.
Kasama ni Barrido na humarap ang abogado niyang si Lorenzo Gadon kahit may tatlong buwang suspensyon na ipinataw sa kanya ang Supreme Court.
Bukod kay Trillanes, kinasuhan din ni Barrido ng kidnapping ang paring si Albert Alejo na present sa hearing.
No show naman ang abogadong si Jude Sabio at sa isang Sister Ling mula sa Cannussian na mga respondents din sa kaso.
Noong 2017 una nang gumawa ng salaysay si Barrido kung saan inakusahan nito ang kampo ni Trillanes na nag-alok sa kanya ng isang milyong piso kapalit ng pagtestigo niya sa pagkakasangkot ni Pangulong Duterte sa iligal na droga.
Sa kanya namang reklamo sa DOJ, sinabi ni Barrido na ikinulong siya sa loob ng 14 na araw ng mga respondents noong December 2016.
Una raw siyang dinala nina Alejo at Sabio sa Convent of Cannusian sisters noong December 6, 2016.
Nakasaad sa reklamo na sa Makati city ang address pero nabigyang linaw sa hearing na sa Parañaque city pala ito.
Sina Alejo at Sabio raw ang sumundo kay Barrido sa NAIA nang dumating siya mula sa General Santos city.
Pinagbawalan anya siya na makaalis habang nasa Cannussian.
Pagkatapos ng tatlong araw ay inilipat daw si Barrido sa Holy Spirit convent sa Quezon City.
Pinagbawalan anya siya na makaalis habang nasa Cannussian.
Trinato raw siya bilang bilanggo ng mga respondents habang nasa Cannussian at Holy spirit.
Maraming beses din anyang tumatawag sa kanya si Trillanes gamit ang cellphone ng isang Jonelle at sinabihan daw siya na hindi siya pwedeng umalis hanggang hindi niya napipirmahan ang mga affidavit na pinalalagdaan sa kanya.
Hindi naman naitago ni Barrido ang kanyang galit at minura at tinawag na sinungaling si Trillanes nang matapos ang pagdinig.
Pinasinungalingan ni Barrido ang mga paratang na nahaharap siya sa mga kasong swindling at sinabing paid propaganda lamang ito para siraan siya.
Nanindigan si Barrido sa kanyang reklamo laban kina Trillanes.
Itinanggi naman ni Trillanes na kilala niya si Barrido at iginiit na harrassment lang ang kaso.
Nakita lang daw ni Trillanes si Barrido sa unang pagkakataon sa DOJ hearing.
Hindi naman direktang masagot ni Alejo kung kakilala niya si Barrido.
Pero sinabi niyang payapa ang kanyang kalooban at tiwalang lalabas din ang katotohanan.
Hindi pinagbigyan ng DOJ ang nais ng mga respondents na mabigyan ng mas mahabang panahon para makapaghain ng counter affidavit.
Itinakda ng DOJ ang susunod na hearing at pagsusumite ng kontra salaysay ng mga respondents sa October 22 habang pinagbigyan si Alejo na makapaghain sa October 23.
Una nang hiniling nina trillanes na suspendihin ang pagdinig dahil sa walang laman at hindi kumpleto ang reklamo ni Barrido.
Ulat ni Moira Encina