Korte Suprema pinayagan na tumestigo si Mary Jane Veloso laban sa kanyang mga illegal recruiters sa pamamagitan ng Deposition o Out of Court testimony
Pinayagan ng Supreme Court si Mary Jane Veloso na tumestigo laban sa kanyang mga illegal recruiters sa pamamagitan ng written testimony.
Si Veloso ang Filipinang nahatulan ng bitay sa Indonesia dahil sa kasong Drug Trafficking.
Sa desisyon ng Supreme Court 3rd division na isinulat ni Justice Ramon Paul Hernando, pinaboran nito ang petition for review ng pamilya ni Mary Jane at binaligtad ang naunang desisyon ng Court of Appeals na nagbasura sa resolusyon ng Korte sa Nueva Ecija na pumabor na makunan ng testimonya si Veloso.
Pinagtibay ng Korte Suprema ang naunang resolusyon ng Nueva Ecija RTC at iniutos na kunan ng deposition si Veloso sa Philippine Consular Office sa Indonesia at sa harap ng mga Indonesian officials.
Ang deposition o Out of Court testimony ay gagamitin sa kasong inihain ng Department of Justice laban sa mga recruiter ni Veloso na sina Maria Cristina Sergio at Julius Lacanilao na kapwa nahaharap sa kasong large scale illegal recruitment.
Ayon sa SC, malalabag ang Right to Due Process ni Veloso kung hindi nila papayagan ang deposition.
Ikinukunsidera rin ng Korte Suprema ang kundisyon ni Veloso na nakakulong sa Indonesia.
Masyado raw naging mahigpit ang Court of Appeals sa pag-interpret ng ng Rules of Court nang hindi man lang isinaalang-alang ang right to due process ni Veloso at ng estado.
Ginawa ng Korte Suprema ang desisyon bago sumapit ang October 28 NA deadline na ibinigay ng Nueva Ecija RTC para makakuha ito ng paborableng ruling para sa deposition ni Veloso.
Ulat ni Moira Encina