Krisis sa transportasyon, di dapat ginagawang biro- ayon sa isang commuter group
Labis ang pagkadismaya ng isang grupo ng mga Commuter na mistulang ginagawa umanong biro lang ang nangyayaring krisis sa transportasyon.
Giit ni Danny Mangahas, chairman ng Kongreso ng mananakay, hindi dapat na gawing biro at propaganda ang problema na kinakaharap ngayon sa public transport.
Hindi aniya isang biro ang maging commuter na maagang gumigising para hindi mahuli sa trabaho at sa gabi ay late na nakakauwi dahil sa hirap rin ng pagsakay idagdag pa ang matinding trapik.
Nakakatawa lang aniya tingnan ang commute challenge sa pagitan nina Bayan Secretary General Renato Reyes at Presidential spokesperson Salvador Panelo pero ang tanong ay kung may naitulong ba ito sa problema ng mga commuter.
Sa halip na challenge, dapat ay solusyon aniya ang ibinigay ni Panelo para masolusyunan ang problema.
Giit pa ni Mangahas, sa isang beses na pag-commute ni Panelo ay hindi pa rin naman nito naramdaman ang hirap na maging isang commuter na nagtatyagang pumila ng mahaba sa MRT o LRT o nakikipaghabulan para makasakay lang ng jeep o ng bus.
Kung susubukan din lang ang hirap ng pag commute, dapat aniya pati uwian sa hapon ay sinubukan din ni Panelo para makita nito ang hirap ng ordinaryong pilipinong mananakay na halos hindi na nagkikita-kita ang mga miyembro ng pamilya.
Ulat ni Madz Moratillo