Mga Health workers sa Maynila magbabahay-bahay para magbigay ng bakuna kontra Polio simula ngayong araw
Magbabahay bahay ang lahat ng mga tauhan at personnel ng Manila Health Department para magbigay ng bakuna kontra polio.
Ang aktibidad ay kaugnay ng sabayang Bakuna kontra Polio na program ng Department of Health.
Ayon kay Dr. Arnold Pangan, hepe ng Manila Health Department, isang doktor at nurse lang ang maiiwan sa mga MHD health center dahil lahat ay lalabas sa kanilang nasasakupang barangay para magbigay ng bakuna sa mga bata na nasa edad 5 taong pababa.
Ang aktibidad na nagsimula ngayong araw ay tatagal hanggang Oktubre 27 kasama rito ang mga araw ng Sabado at Linggo.
Ayon kay Pangan, magse-set up rin sila ng mga station sa loob ng mall, LRT stations, eskwelahan at maging mga simbahan sa lungsod.
Aabot sa 91,173 na bata ang target mabakunahan ng MHD.
Muli namang tiniyak ni Pangan na libre at ligtas ang mga bakuna na ito.
Ulat ni Madz Moratillo