Mga Marcos supporters, nagprotesta sa Korte Suprema
Dumagsa na sa labas ng Korte Suprema ang mga tagasuporta ni dating Senador Bongbong Marcos isang araw bago ang pagpapatuloy ng Presidential Electoral Tribunal (PET) sa deliberasyon sa Poll protest case nito laban kay Vice President Leni Robredo.
Ayon sa mga Marcos supporters na karamihan ay may edad na,
magpapalipas sila ng gabi at mag-aabang sa labas ng Supreme Court para antabayan ang desisyon ng PET sa protesta.
Nagpakilala silang miyembro ng mga grupong One Voice Philippines movement at Bagong Bansang Masagana Pilipinas.
Inaasahan sa En Banc session ng mga mahistrado ng Supreme Court sa Martes ay magbobotohan na ang mga ito sa kahihinatnan ng election protest ni Marcos.
Inokupa na ng mga pro-Marcos groups ang bahagi ng Padre Faura malapit sa Supreme Court.
Bagamat matindi ang sikat ng araw ay umupo at humiga ang mga Marcos supporters sa kalsada at sa bangketa.
Naglatag na lamang sila ng mga payong at mga upuan at higaan.
Bitbit din nila ang mga tarpaulin na may nakasulat na BBM is our Vice President at BBM the real VP.
Sarado naman ang Padre Faura dahil sa mga raliyista.
Ulat ni Moira Encina