DOH, nanguna sa listahan ng Top 3 Most corrupt agencies ng PACC
Nanguna sa listahan ng mga ahensya ng pamahalaan na may pinakamaraming sumbong ng korapsyon ang Department of Health (DOH).
Ayon kay Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) Chairman Dante Jimenez, maliban sa DOH, kabilang pa sa top 3 corrupt agencies ay ang National Housing Authority na sinundan ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Kasabay nito, nilinaw ni Jimenez na hindi naman ito nangangahulugan na ang corrupt ay ang partikular na departamento.
Inihalimbawa nito ang DOH na maraming attached agencies gaya ng Philhealth na balot ngayon ng isyu ng korapsyon.
Sa ngayon patuloy aniya ang ginagawang imbestigasyon ng PACC sa mga sumbong ng korapsyon sa mga nasabing ahensya.
Nawala naman sa listahan ng Top 3 ang Bureau of Customs na siyang dating madalas manguna sa listahan kung korapsyon ang pag-uusapan.
Samantala, tiniyak naman ng PACC na bago matapos ang termino ni Pangulong Duterte ay matatapos nila ang imbestigasyon sa mga nabunyag na anomalya sa Philhealth.
Paliwanag ni PACC Commissioner Manuelito Luna masyadong malawak amg sakop ng mga nakita nilang iregularidad at nais nilang matukoy kung kailan ito nagsimula.
Ulat ni Madz Moratillo