Dating PNP Chief Oscar Albayalde, kinasuhan na rin sa DOJ kaugnay sa Ninja cops controversy
Isinama na rin ng Philippine National Police- Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) sa mga kinasuhan kaugnay sa kontrobersyal na 2013 anti- drug raid sa Pampanga si dating PNP Chief Police Director General Oscar Albayalde.
Sa pagpapatuloy ng re-investigation ng Department of Justice (DOJ) sa kaso ng mga tinaguriang Ninja cops, isinumite ng CIDG ang kanilang inamyendahang reklamo kung saan idinagdag nila sa mga respondents si Albayalde.
Si Albayalde ang hepe ng pulis Pampanga nang mangyari ang operasyon.
Dahil dito, aabot na sa 14 na pulis ang idinawit sa kontrobersyal na operasyon a Mexico, Pampanga noong 2013.
Ayon kay Police Lt. Col. Joseph Orsos, Chief PNP-CIDG Legal division, batay sa mga sirkumstansya ay posibleng may pananagutan si Albayalde.
Ang dating hepe ng PNP ay partikular na kinasuhan ng paglabag sa Section 92 ng Comprehensive Dangerous Drugs Act, Anti-Graft Law, Qualified Bribery, Falsification of Public Documents, Perjury in Solemn oaths at Dereliction of Duty.
Sa ammended complaint ng CIDG, dinagdagan din nila ang mga kaso laban sa iba pang pulis.
Si Police Major Rodney Baloyo IV at 12 iba pang pulis ay sinampahan ng mga karagdagang reklamong paglabag sa Section 92 ng Comprehensive Dangerous Drugs Act, Anti-Graft Law, Qualified Bribery, Falsification of Public documents, Perjury in Solemn oaths at Dereliction of duty.
Pinanumpaan din ng mga testigo ng CIDG ang kanilang mga sinumpaan at karagdagang salaysay.
Kasama sa mga testigo ay ang ilang Barangay officials at pulis mula sa Mexico, Pampanga.
Hindi pa rin sumipot sa pagdinig si Baloyo pero present ang mga dating tauhan niyang mga pulis.
Kasama sa mga ito ang mga sinibak na sina Master Sergeants Donald Roque at Rommel Vital, at Corporal Romeo Encarnacion Guerrero Jr.
Ang tatlo ay tinanggal sa serbisyo dahil sa pagkakasangkot naman sa Antipolo Drug raid noong Mayo.
Itinakda ng DOJ special Panel of Prosecutor ang susunod na pagdinig at pagsusumite ng kontra salaysay nina Albayalde sa November 5.
Ulat ni Moira Encina