Pagtatatag ng kooperatiba sa mga resettlement sites, plantsado na ng PCUP
Pagtatatag ng kooperatiba sa mga resettlement sites, plantsado na ng PCUP
Plantsado na ng Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP) ang pagtatatag ng mga kooperatiba sa mga resettlement sites bilang pagpapa-igting sa kampanya ng Komisyon na magbigay hanap-buhay sa mga mahihirap na kababayan.
Sa masigasig na pangunguna ni PCUP Chairperson at CEO Alvin S. Feliciano, nais ng PCUP na maglatag ng mas malawak pang oportunidad sa mga kapos-palad na komunidad mula sa mga resettlement sites sa iba’t-ibang panig ng bansa at magbigay ng mga solusyon sa mga isyu at hinaing ng mga nakatira roon.
Sa pakikipagtulungan ng mga local government units (LGUs), nagsasagawa ang PCUP ng Capability Building Programs (CBPs) sa mga mahihirap na komunidad o yaong mga tinatawag na “poorest of the poor” upang magbahagi ng mga kaalaman hinggil sa pagtatatag ng hanap-buhay at mga maaring pagkakitaan na makatutulong sa kanila na ma-iangat ang kanilang antas ng pamumuhay.
Target din ng PCUP ang mga kabataan na makilahok sa mga programa ng ahensya gayundin ang mga lider ng komunidad mula sa iba’t ibang resettlement sites upang magkaroon ang mga ito ng pantay na oportunidad sa mga de-kalidad na pagsasanay at kaalaman tungo sa pagtatayo ng mga negosyo at hanap-buhay.
Naniniwala rin ang Komisyon na mayaman ang mga komunidad na ito sa lakas-paggawa na maaaring makatulong sa pag-abot ng sapat na oportunidad para sa mga maralitang kababayan.
Samantala, sa tulong ng National Housing Authority (NHA), pag-iibayuhin pa ng PCUP ang pagkakaroon ng maayos na imprastraktura at pabahay sa mga resettlement sites na siyang pangunahing kailangan ng mga maralitang residente.
Bukas rin ang ahensya sa pagtanggap ng tulong mula sa iba’t ibang mga ahensya ng pamahalaan at mga pribadong organisasyon upang maging katuwang sa pagsasakatuparan ng mga layuning ito.