Bello hindi inayunan, 2-taong probationary period para sa manggagawa
Hindi sang-ayon si Labor Secretary Silvestre Bello III sa panukala sa Kongreso na gawing dalawang taon ang probationary period ng manggagawa mula sa anim na buwan.
Sinabi ni Bello na ito ay nag-aalis sa karapatan ng manggagawa na magkaroon ng seguridad sa trabaho.
“Sa aking palagay hindi kinakailangang sumailalim ang isang manggagawa sa dalawang taong probationary period upang alamin ng employer ang kanyang kwalipikasyon. Sapat na ang anim na buwan,” ayon sa labor secretary.
Sinabi ng kalihim na masyadong mahaba ang dalawang taon na probationary period para magkaroon ng permanenteng trabaho, taliwas ito sa polisiya ng administrasyon na makapag-bigay ng seguridad sa trabaho.
“Ang paghintayin ang manggagawa para magkaroon ng permanenteng trabaho ay hindi naaayon sa polisiya ng administrayon ukol sa seguridad sa trabaho,” ani Bello.
Dagdag pa ni Bello na ang proposal ay maaaring maghikayat ng iligal na gawain sa kontraktuwalisasyon, tulad ng “endo”, dahil maaaring tanggalin ng employer ang isang manggagawa sa loob ng dalawang taon, na naglilimita sa karapatan ng manggagawa sa benepisyo na naaayon sa isang regular na empleyado.
Sa ilalim ng batas, binibigyan ang manggagawa ng anim na buwang probationary period at ituturing na isang regular na empleyado pagkalipas ng nasabing panahon.
Isang panukala sa Kongreso na nagmumungkahing pahabain ang probationary employment ng hanggang 24 na buwan. Ayon sa nagmungkahi nito, ang anim na buwan na probationary period ay hindi sapat upang alamin kung ang manggagawa ay kuwalipikadong gawing regular sa trabaho.