Pito, patay sa lindol sa North Cotabato…mahigit 390, sugatan – NDRRMC
Umaabot na sa 394 ang sugatan at dalawa pa ang nawawala sa naranasang 6.6 magnitude na lindol sa Tulunan, North Cotabato.
Sa report ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), pinakamaraming nasugatan ay naitala sa Region 12 o mga lalawigan ng Cotabato, South Cotabato, Saranggani at Sultan Kudarat.
Pito na ang naitalang patay pero lima pa lamang sa mga ito ang pinangalanan.
Kabilang na rito sina Nestor Narciso ng Koronadal City na natabunan ng gumuhong debris, angel andy, rene boy andy, na ng Cotabato na namatay matapos tamaan ng gumuhong bato.
Tinamaan naman ng debris si Marichelle Moria sa bayan ng Tulunan habang natabunan naman ng nag collapsed na pader ng eskwelahan si Jesriel Pabra ng Davao del Sur.
Umaabot na sa 1,681 na pamilya o 8, 405 katao ang apektado sa tatlong barangay sa Region 12 kung saan 701 na pamilya ay nasa mga temporary shelter sa Barangay Llomavis.
Nawasak naman ang may 133 na mga imprastraktura sa Regions 9, 10, 11 at 12 kasama na ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao .
Kabilang na rito ang 94 na mga eskwelahan, 11 health centers, at 20 mga private at commercial establishments.
Mula kahapon, nakapagtala na ng 270 na mga aftershocks.
Ayon kay Timbal, patuloy nilag pinag-iingat ang mga residente lalo na sa mga lugar na nakakaranas pa rin ng pagyanig.
Pinapaalalahanan rin ang mga ito na huwag tumakbo o sumilong sa mga gusali o istruktura kapag may lindol.
Kasabay nito, hinimok ng NDRRMC ang publiko na lumahok sa isasagawang nationwide earthquake drill sa November 14 para maiwasan ang pagpa panic at magkaroon ng sapat na kaalaman tuwing may nangyayaring lindol.
“Gusto ko naming hingin ang tulong ng media at ng publiko upang masawata ang mga naghahasik ng takot o yung mga nagpapakalat ng mga fake news na magkakaroon ng tsunami, ng malalakas na lindol, Wala pa kasing prediction tower sa teknolohiya sa buong mundo na malalaman na mayroong paglindol na magaganap. Kapag nakatanggap tayo ng mga nauong mensahe ay i-delete kaagad at huwag nang ipakalat pa”.
Ulat ni Meanne Corvera