Retired Supreme Court Justice Antonio Carpio, walang nakikitang problema sa joint Oil Exploration Project ng Pilipinas at Tsina sa West Philippine Sea
Pabor si retired Senior Associate Justice Antonio Carpio sa Joint oil and gas exploration sa pagitan ng Pilipinas at Tsina sa Reed Bank o Recto Bank sa West Philippine Sea.
Ayon kay Carpio, walang problema sa joint exploration kung susunod ang dalawang bansa sa nilalaman ng Memorandum of Understanding o MOU at Terms of Reference o TOR na nauna nang napagkasunduan.
Sa ilalim anya ng MOU at TOR, papasok ang China sa joint exploration sa pamamagitan ng service contractor kung saan magkakaroon sila ng kooperasyon sa Forum Energy na una nang nakakuha ng kontrata para sa exploration ng Reed Bank noong administrasyon ni Dating Pangulong Noynoy Aquino.
Sinabi ni Carpio na sa service contract ng Forum Energy at ng Pilipinas, kinikilala ng Forum Energy ang sovereign rights ng Pilipinas sa Reed Bank at ang Pilipinas ang may-ari ng natural gas sa ilalim nito.
Dahil dito, ipinunto ni Carpio na hindi na kailangan pang obligahin ang China na kilalanin nito ang sovereign rights ng Pilipinas sa Reed Bank.
Nakasaad din anya sa service contract ng Forum Energy at ng Pilipinas, 60-40 ang sharing agreement pabor sa Pilipinas.
Ulat ni Moira Encina