Tumataas na kaso ng Teenage Pregnancy, nais paimbestigahan sa Senado
Nais ni Senador Sonny Angara na paimbestigahan sa Senado ang ugat sa pagsirit ng mataas na kaso ng child at teenage pregnancy sa bansa.
Nababahala si Angara dahil sa datos ng National Demographic and Health survey na ginawa ng Philippine Statistics Authority (PSA), lumilitaw na siyam na porsyento ng mga batang may edad 15 hanggang 19 ang nabubuntis.
Pero sa datos ng Population Commission, umaabot sa 530 ang mga batang nabubuntis kada araw kung saan pinakamataas na datos ay naitala sa Davao, Northern Mindanao at Soccsksargen.
Pumalo naman sa 30 hanggang 50 percent ang mga batang nabuntis sa edad na 10- taong gulang na ayon kay Angara ay dapat naglalaro pa at nasa mga eskwelahan.
Sinabi ni Angara na kailangang gumawa ng kaukulang hakbang hinggil dito ang gobyerno dahil ang maagang pagbubuntis ay nangangahulugan rin na pagtigil sa pagpasok sa eskwelahan.
Kailangan rin aniyang mapalakas ang Republic Act 10534 o ang Responsible Parenthood and Reproductive Health Act of 2012 o ang RH Law.
Ulat ni Meanne Corvera