Malakas na impluwensya ng social media, isa sa dahilan ng dumaraming bilang ng mga batang ina sa Pilipinas – Popcom
Ang maagang pagkakalantad sa pre-marital sex ang dahilan kung bakit padami ng padami ang mga nagiging batang ina sa Pilipinas.
Ayon kay Undersecretary Juan Antonio Perez III, Executive Director ng Commission on Population and Development (Popcom), napansin nila na simula noong 2010 ay umaabot na sa mahigit 2,000 taun-taon ang mga kabataang nabubuntis.
Ito ay sa pagitan ng mga edad na 10 hanggang 19.
Mula aniya sa 20 percent noong 2002 ay umakyat sa 30 percent ang na-e-engage sa pre-marital sex na mga kabataan, halos pareho na ng bilang ng mga babae at lalake.
Isa aniya sa nakikita nilang dahilan nito ay ang paglaki ng impluwensya ng social media o internet.
May impluwensya rin aniya ang mga tinatawag na non-sexual behavior gaya ng paninigarilyo at pag-inom ng alak.
Dahil dito,nakikipagtulungan ang Popcom sa Department of Education (Deped) para palakasin ang kampanya laban sa maagang pagbubuntis sa pamamagitan ng pamimigay ng mga impormasyon sa mga paaralan.
Nanawagan din ng tulong si Perez sa DSWD para naman maabot din ng programa at tamang impormasyon ang mga nasa out-of-school youth.
Umaasa rin si Perez na magkaroon ng social protection program ang mga lokal na pamahalaan para mapangalagaan ang mga batang ina o at mga batang ina na nauulit pang mabuntis.
“Ang partikular na gusto naming bigyan ng atensyon ay ang mga kabataang nabuntis na ay nauulit pa. Teenager pa ay nagkakaroon na ng pangalawa, pangatlo at pang-apat na anak. At para sa mga batang ina na ay mabigyan sana ng tulong ng lokal na pamahalaan sa pagbubuo nila ng pamilya”.
Nais din aniya nilang mabigyan ng boses ang mga guro at mga health workers bilang mga nakatatanda na maaaring magturo sa mga kabataan na maiiwas sa pre-marital sex.
Malaki rin ang pananagutan ng mga magulang upang maituro sa kanilang mga anak ang epekto ng maagang pagbubuntis sa pamamagitan ng pagkakaroon ng malusog na komunikasyon sa loob ng kanilang tahanan.
“Gusto naming mabigyan ng mas malaking boses sa pag-aaruga ng mga kabataan ang mga adult para matulungan sila na huwag gumawa ng pre-marital sex. Nakita namin sa pag-aaral na basta nag-uusap ang mga magulang at mga anak ay hindi mangyayari ang phenomenon na ito”.